Tagalog Bibles (BIBINT)
ƒ^ƒKƒƒOŒκV–ρΉ‘


Mga Gawa 21

Ang Pagpunta sa Jerusalem
    1Nangyari, na pagkahiwalay namin sa kanila at makapaglayag, pumunta na kami sa Cos. Kinabukasan pumunta kami sa Rodas at buhat doon pumunta kami sa Patara. 2Nang masumpungan namin ang isang barko na dumaraan patungong Fenecia, lumulan kami at naglayag. 3Nang matanaw namin ang Chipre, nilampasan namin ito sa may dakong kaliwa at naglayag kami hanggang Siria at dumaong sa Tiro sapagkat doon nagbaba ng lulan ang barko. 4Nang masumpungan namin ang mga alagad, nanatili kami roon ng pitong araw. Sinabi nila kay Pablo sa pamamagitan ng Espiritu na huwag na siyang umahon sa Jerusalem. 5Nang makalipas na ang mga araw na iyon, handa na kaming magpatuloy sa paglalakbay. Silang lahat at ang kanilang mga asawa at mga anak ay naghatid sa amin. Inihatid nila kami sa aming paglalakad hanggang sa labas ng lungsod. Lumuhod kami sa baybayin, at nanalangin. 6Nang makapagpaalam na kami sa isa’t isa, lumulan kami sa barko. At sila ay umuwi sa kanilang tahanan.
    7Nang matapos na namin ang paglalayag mula sa Tiro, dumating kami sa Tolemaida. Pagkatapos naming bumati sa mga kapatid, nanatili kami sa kanila ng isang araw. 8Kinabukasan, si Pablo at ang mga kasama niya ay umalis. Dumating sila sa Cesarea. Pagpasok namin sa bahay ni Felipe, na isa sa pito, na mangangaral ng ebanghelyo, nanatili kaming kasama niya. 9Ang lalaki ngang ito ay may apat na anak na dalagang birhen na naghahayag ng salita ng Diyos.
    10Sa aming pananatili roon ng maraming araw may isang dumating mula sa Judea. Siya ay isang propeta na ang pangalan ay Agabo. 11Paglapit niya sa amin, kinuha niya ang pamigkis ni Pablo. Ginapos niya ang sarili niyang paa at mga kamay. Sinabi niya: Ganito ang sinasabi ng Banal na Espiritu: Gagapusin nang ganito ng mga Judio sa Jerusalem ang lalaking nagmamay-ari ng pamigkis na ito. Siya ay ibibigay nila sa kamay ng mga Gentil.
    12Nang marinig namin ang mga bagay na ito kami at ang mga taga-roon, ipinamanhik namin sa kaniya na huwag na siyang umahon sa Jerusalem. 13Ngunit sumagot si Pablo: Anong pakahulugan ng inyong pagtangis at pagsira ng aking kalooban? Sa pangalan ng Panginoong Jesus ako ay hindi lamang handang magapos sa Jerusalem kundi maging ang mamatay. 14Nang hindi siya mahikayat ay tumigil na kami. Sinabi namin: Mangyari ang kalooban ng Panginoon.
    15Pagkatapos ng mga araw na ito, inihanda namin ang aming mga dalahin at umahon kami sa Jerusalem. 16Sumama naman sa amin ang ilang alagad mula sa Cesarea. Isinama nila ang isang Minason na taga-Chipre. Matagal na siyang alagad at sa kaniya kami makikituloy.

Ang Pagdating ni Pablo sa Jerusalem
    17Nang dumating kami sa Jerusalem, ay masaya kaming tinanggap ng mga kapatid. 18Kinabukasan, si Pablo ay kasama naming pumunta kay Santiago. Naroon ang lahat ng mga matanda. 19Binati sila ni Pablo. Isinalaysay niyang isa-isa ang mga bagay na ginawa ng Diyos sa mga Gentil sa pamamagitan ng kaniyang paglilingkod.
    20Nang marinig nila ito, niluwalhati nila ang Panginoon. Sinabi nila kay Pablo: Kapatid, nakikita mo kung ilang libo sa mga Judio ang sumampalataya. Silang lahat ay masigasig para sa kautusan. 21Nabalitaan nila ang patungkol sa iyo na tinuturuan mo ang lahat ng mga Judio, na nasa mga Gentil, ng pagtalikod kay Moises. Sinabi mo na huwag tuliin ang kanilang mga anak, ni mamuhay ng ayon sa mga kaugalian. 22Anong gagawin natin? Tiyak na darating ang maraming tao at magkakatipon sapagkat mababalitaan nilang dumating ka. 23Gawin mo nga itong sasabihin namin sa iyo. Mayroon kaming apat na lalaking may sinumpaang panata sa kanilang sarili. 24Isama mo sila. Dalisayiin mo ang iyong sarili kasama nila. Bayaran mo ang kanilang magugugol upang magpaahit sila ng kanilang mga ulo. Upang malaman ng lahat na hindi totoo ang mga bagay na nabalitaan nila patungkol sa iyo. At malalaman din na ikaw ay lumalakad ng maayos na tumutupad ng kautusan. 25Patungkol naman sa mga Gentil na sumampalataya, sinulatan namin sila. Ipinasiya naming huwag na nilang gawin ang anumang bagay. Ang dapat nilang gawin ay lumayo sa mga bagay na inihandog sa diyos-diyosan, sa dugo, sa binigti at sa kasalanang sekswal.
    26Kaya kinabukasan pumasok si Pablo sa templo nang madalisay na niya ang kaniyang sarili, na kasama ng mga lalaking iyon. At ipinaalam niya ang kaganapan ng mga araw ng pagdadalisay. Sa panahong iyon ay magkakaroon ng handog sa bawat isa sa kanila.

Dinakip Nila si Pablo
    27Nang magtatapos na ang pitong araw, nakita ng mga Judiong nanggaling sa Asya si Pablo sa loob ng templo. Ginulo nila ang lahat ng tao at hinuli nila siya. 28Sumisigaw sila ng ganito: Mga lalaking taga-Israel, tulungan ninyo kami. Ito ang lalaking nagtuturo sa lahat kahit saan, nang laban sa mga tao, sa kautusan at laban sa dakong ito. Bukod pa rito, nagdala rin siya ng mga Griyego sa templo at dinungisan itong dakong banal. 29Ito ay sapagkat nakita nila noong una si Trofimo na taga-Efeso na kasama niya sa lungsod. Inisip nilang ipinasok siya ni Pablo sa templo.
    30Nagulo ang buong lungsod at ang mga tao ay tumakbong sama-sama. Sinunggaban nila si Pablo at kinaladkad siya papalabas sa templo. Kaagad-agad nilang isinara ang mga pinto. 31Ngunit nang pinagsisikapan nila siyang patayin, dumating ang balita sa pinunong-kapitan ng batalyon, na ang buong Jerusalem ay nagkakagulo. 32Nagsama siya kaagad ng mga kawal at mga pinuno at sumugod sila sa kinaroroonan nila. Nang makita ng mga tao ang pinunong-kapitan at ang mga kawal, tumigil sila sa paghampas kay Pablo.
    33Nang magkagayon, nilapitan siya ng pinunong-kapitan at hinuli siya. Ipinag-utos ng kapitan na gapusin ng dalawang tanikala si Pablo. Tinanong niya kung sino siya at kung ano ang kaniyang ginawa. 34Ngunit iba-iba ang isinisigaw ng mga tao sa gitna ng mga karamihan. Nang hindi niya malaman ang katotohanan dahil sa kaguluhan, iniutos niya na dalhin si Pablo sa kuwartel. 35Nang siya ay dumating sa hagdanan, binuhat siya ng mga kawal dahil sa karahasan ng maraming tao. 36Ito ay sapagkat sinusundan siya ng maraming tao na sumisigaw: Patayin siya.

Nagsalita si Pablo sa Maraming Tao
    37Nang ipapasok na si Pablo sa kuwartel, sinabi niya sa pinunong-kapitan: Maaari ba akong makipag-usap sa iyo?
   At sinabi niya: Marunong ka bang magsalita ng Griyego? 38Hindi ba ikaw iyong taga-Egipto na nang nakaraang araw ay gumawa ng kaguluhan? Hindi ba ikaw iyong nagdala sa ilang sa apat na libong kalalakihan na mga mamamatay-tao?
    39Ngunit sinabi ni Pablo: Ako ay Judio na taga-Tarso sa Cilicia. Isang mamamayan ng kilalang lungsod. Isinasamo ko sa iyo na pahintulutan mo akong magsalita sa mga tao.
    40Nang siya ay mapahintulutan na niya, tumayo si Pablo sa may hagdanan. Inihudyat niya ang kaniyang mga kamay upang patahimikin ang mga tao. Nang tumahimik na sila nang lubusan, nagsalita siya sa kanila sa wikang Hebreo.


Tagalog Bible Menu